Sa kasalukuyan
Tuesday, August 11, 2009
Sa mahabang panahon, parati na lang akong nalulungkot. Hinahanap ang sarili, at para bagang parating nawawala. Pinili ko pang mapunta sa malayong lugar sa pag-asang maibsan ang kalungkutang pilit na bumabagabag sa akin. Pagbalik ko sa Luzon, napagtanto kong wala namang nabago. Ako pa rin ito-- balisa at walang bait sa sarili. Nawawala, naghahanap.
Ilang beses kong pinilit na iwaksi ang nakalipas. Kalimutan na meron akong mga dinadala. Wa epek.
Kinailangan kong harapin ang kalungkutan. Lumuha, at ipakita ang tunay kong sarili. Ipahayag ang aking nararamdaman. Sa mahabang panahon, ako ay nababalot ng hiwaga ng sarili kong pagkatao.
Hanggang naabot ko ang ngayon. Hindi ako nalulungkot. Nakakaya kong ngumiti. Nagagawa kong harapin ang isang buong araw balot ng pag-asa. Natutuwa ako. Nakikita ko ang mga magagandang bagay sa aking paligid.
Kailan pa ba nag-umpisa ito?
Hindi ko rin alam. Ang tanging wari ko ay nagbago ang panahon. Naramdaman ko na lang na magaan ang pakiramdam ko. Ngayong hinahayaan kong tangayin ako ng hangin, ng panahon. Ngayong malaya kong sinusundan ang yapak ng aking mga paa. Ang aking mga paa: nagkaroon ng sariling diwa. Ang aking isip, nagkaroon ng sarili niyang buhay. At ako mismo, nagpapanibagong anyo: handa para sa bagong umaga.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment